Ako si Marvin Chozas Binasoy, ipinanganak noong ika-anim ng Nobyembre taong 1994. Pang apat ako sa anim na magkakapatid. Anak ng mag-asawang Doris at Martin Binasoy. Mula ako sa isang simpleng pamilya na dumaan din sa maraming mga pagsubok sa buhay. Bawat tao dito sa mundo ay may mga napagdaanang masasaya at malulungkot na karanasan sa buhay, simple lang ngunit hindi malilimutan kailanman. Kahit na ang mga simpleng mga sugat sa atin katawan ay may mga natatagong istorya na konektado sa ating buhay at talaga namang hindi natin malilimutan. Tulad ng iba, mayroon din akong mga karanasan na talaga namang nagpabago sa aking buhay sa kasalukuyan. Hayaan ninyong muli kong isabuhay ang mga ito sa pamamagitan ng talambuhay ko.
Noon ay madalas magkwento ang aking lola at minsan ay ang nanay ko. Naikwento nila na noon pa man ay ang tiyahin ko na ang nag-aalaga sa akin, siya ang nagpapaligo at nagpapakain sa akin kasama ang kanyang pamilya. Kaya naman, habang ikinekwento ito sa akin, doon ko naramdaman na bukod sa aking mga magulang, may tiyahin pala ako na talagang mahal ako. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nalaman ko na lang na namatay na ang tiyahin ko noong ika-sampo ng Enero taong 2001 sa sakit na Kanser sa bituka. Lubos akong nalungkot noon, hindi man lang niya naabutan ang patuloy kong paglaki na siya ang dahilan.
Noong mga panahong iyon, nakatira kami sa isang malawak at malaking bahay ng lola ko kasama ang buong pamilya niya. Ngunit nagdaan ang mga panahon, ang ilan sa mga anak ng lola ko ay may kanya-kanya nang pamilya, kaya naman hinati na lamang ang malaking bahay. Masaya naman ako dahil kahit papaano ay samasama kaming mag-anak sa iisang lugar. Sa malawak na bakuran ng kapitbahay, doon kami sama-samang naglalaro ng aking mga pinsan. Madalas kaming maglaro ng mga kilalang larong pinoy tulad ng taguan, patintero, langit-lupa, hulihan, paltok bola at ang pinakamasaya ay ang sipa bola na sa tuwing mapapalakas ang sipa ng bola, ito ay napupunta sa bubong ng malaking bahay at hindi na muli makukuha. Nakakatuwa ring isipin na tuwing maglalaro kami ng teks, pogs at sipa ay sa gitna ng kalsada kami naglalaro na halos makatawag pansin ang bawat saway at paalala ng aming mga magulang.
Tanda ko pa noon, na napatira din kami sa probinsya sa Tuguegarao, Cagayan Valley. Kung saan inabutan ko pang buhay ang mga magulang ng aking ama. Ibang-iba talaga ang buhay sa probinsya kaysa sa lungsod. Sa probinsya ako nakaranas ng kaginhawaan, kasiyahan at kasipagan sapagkat doon ay maaga akong nagising, sumasama ako sa bukid na hindi naman ganoon kalayuan sa bahay namin. Ang bukid ay saganang sagana sa mga tanim tulad ng palay, mais at pinya. Pagkatapos magtrabaho sa bukid at makipag-asaran sa kalabaw, pumunta kami sa Cagayan River na talaga namang sikat rin sa Pilipinas. Sa sobrang lawak ng ilog para na rin akong nagpunta sa dagat. Wala akong makitang mga bundok, kitang kita sa malayo ang guhit na nagtatagpo sa langit at ng malawak na ilog na parang nagpapakita ng kaginhawaan. Magdadapit-hapon na kami umuuwi noon pabalik ng bahay sakay sa kalabaw. Naririnig ko ang mga ingay na likha ng mga palaka at kuliglig sa paligid. Matapos ang mahabang kapaguran, naghanda na si lola ng hapunan. Doon ako natutong kumain ng malunggay at ng mangga dahil sa sapilitan akong pinapakain ng ama ko at ng aking lola. Natatandaan ko pa rin noon na tuwing umuulan ng malakas sa gabi, naririnig ko ang mga ingay ng palaka na nanggagaling malapit sa aming bahay, pumapasok ang mga ito sa bahay namin at agad naming hinuhuli ng aking mga kapatid at pinsan. Sa pagsapit naman ng umaga, doon ako nakatikim ng gatas ng kambing na talaga namang napakasarap dahil sa kakaibang lasa nito. Sa Cagayan din ako unang beses na nakakita kung paano gawin ang isang masarap na pandesal sa tulong ng aking tiyuhin. Doon din ako unang beses nakakita ng balon na sa anyo ay makikita mo na ang katandaan ngunit napapakinabangan pa rin at higit sa lahat, doon din ako nakakita at nakasakay ng kalesa. Sobrang saya ko talaga nong mga araw na nasa probinsya kami ng pamilya ko, kaya naman, noong babalik na kami sa lungsod ay talagang nadama ko ang kalungkutan sapagkat marami akong di malilimutang mga alaala sa lugar na iyon.
Mga nasa anim na taong gulang na ako ng makatuntong ng Day Care. Natatandaan ko pa noon na sa tuwing pagkatapos ng tanghalian, pumupunta ako, kasama ang aking mga kamag-aaral sa likod ng Day Care Center upang maglaro sa burol, kumukuha kami ng gulong na nakatambak sa likod at agad namin itong sinasakyan pababa ng burol kaya bago mag-awasan, puro lupa ang aming mga katawan. Pagkatapos kong makapag-aral ng Day Care, agad na akong pinapasok ng elementarya sa Placido Escudero Memorial School kung saan, dito ko nahubog ang aking talino at higit sa lahat ay ang aking talento tulad ng pag-guhit. Unang baitang, nasa huling seksyon ako pero pagsapit ng ikalawang baitang naging section one na rin ako. Nagsimula akong lumaban ng pag-guhit noong nasa ika-apat na baitang ako. Lalo pa sa pagsapit ng Buwan ng Nutrisyon, hindi naman sa pagmamayabang pero ako na agad ang inaasahang lalaban sa ibang distrito. Isa naman sa pinakamasaya kong pag-aaral sa elementarya ay ang pagtuntong ko ng ika-limang baitang sapagkat ang aking guro ang ina ng aking hinahangaang babae. Ginaganahan ako mag-aral at makinig lalo na at katabi ko pa ang aking crush. At ang pinakamasayang baitang na napagdaanan ko ay ang ika-anim na baitang. Marami na rin akong sinalihang mga patimpalak sa pag-guhit, sumali na rin ako ng essay writing contest, speech revo, sayaw at marami pang iba. Naging myembro din ako ng mga manunulat sa dyaryo bilang isang editorial cartoonist. Naalala ko na, nakatanggap ako ng unang gantimpala sa pag-guhit ng editoryal at nakapasok sa regional kung saan ginanap sa Calamba City. Sa pagtatapos ko sa pag-aaral sa elementarya, marami na ako natanggap na mga gantimpala na talagang ikinatuwa ng aking mga magulang. Ilan sa mga ito ay ang mag natanggap kong mga medalya sa larangan ng pag-guhit, kaya naman naging Best Artist of the Year ang tulad ko.
Matapos ang aking pag-aaral sa elementarya na dala-dala ang saya at mga ngiting dulot ng aking mga kaibigan. Oras na para sa isang panibagong yugto, isang panibagong buhay na haharapin, ang buhay “High School”. Nag-aral ako ng sekundarya sa paaralan ng Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. Noong una ay kinakabahan pa ako,pero pinilit kong makakilala ng mga panibagong kaibigan, mga taong lagi ko ng makakasama. Napabilang ako sa seksyon A, pangalawa sa sinasabing pinakamagaling, pero hindi naman yun ang gusto kong katangian sa seksyon namin. Para sa akin ito ang simple at pinakamasayang seksyon sa lahat. Sa pangalawang antas, nanatili pa rin ako sa kinabilangang seksyon. Maraming nawala sa amin ngunit may mga pumalit na agad namang napakisamahan. Sa antas na ito nagsimula ang mga pagsubok namin. Dito nagsimulang maging sikat ang amin seksyon sa faculty sapagkat lagi kaming napapagalitan ng aming mga guro. Minsan na rin kaming naparusahan, ngunit kahit ganoon pa man, nanatili kaming matatag at naipakita namin ang tunay na sayang bumabalot sa bawat isa sa amin. Sa ika’tlong antas ng pag-aaral ko sa sekundarya, may ilan lamang ang nawala ngunit mas madami ang napabilang. Unti-unti na ring nagkaroon ng mabibigat na pagsubok ang aming seksyon pero di namin yun alintana dahil nananatili kaming sama-samang gumagawa ng mga paraan para maging masaya sa kabila ng mga pagsubok na aming hinarap. Mas marami na rin akong sinalihang mga paligsahan. Tulad noong nasa elemetarya ako, napabilang ulit ako sa mga manunulat ng aming dyaryo bilang isang editorial cartoonist at muli ay nakapagwagi ng ika-limang pwesto sa Division level at napasama sa Regional. Sa ika’tlong antas na ito ay natuto akong makipagbarkada, gumala at makipaglokohan pero kahit ganoon, hindi ko naman pinabayaan ang aking pag-aaral para sa magandang kinabukasan.
At ngayon ay kasalukuyan na akong nasa huling antas sa sekundarya kung saan ito ang aking pinakakasabikang may bagong pagdadaanan. Mas marami kaming mga problemang pinagdadaanan hanggang sa ngayon. Pero di namin pinabayaan ang isa’t-isa, di rin kami pinabayaan ng aming mahal na Inay na si Gng. Audije na laging naka-agapay sa amin, nagpapaalaa, umuunawa at higit sa lahat nagmamahal sa amin. Kahit na lagi kaming kinagagalitan ng aming mga guro, di na namin yun pinapansin, ang mahalaga sa amin ay kung paano kami matututo sa bawat leksyon sa aming buhay. Dito na rin nasubok ang aming katatagan simula ng mangyari ang di inaasahang trahedyang nangyari sa aming kamag-aaral na si Michkee Dimayuga na ikinasawi ng kanyang buhay. Kaya naman siya ang naging inspirasyon naming lahat kung paano namin pahahalagahan ang aming mga buhay. At ngayon ay patuloy pa rin akong lumalaban at haharapin ng buong puso ang bawat pagsubok na darating sa aking buhay. Kasalukuyan ko ng inihahanda ang aking sarili sa kursong gusto kong kuhanin. Nais kong makatapos ng pag-aaral, magkaroon ng magandang kinabukasan ang aking pamilya at makamit ang mga bagay na nais kong makamtam.
Kaya naman, naniniwala ako na “Hanggang may Buhay, May PAG-ASA”. Ito ang istorya ng Buhay ko. Simple lang ngunit puno ng kasiyahan at tunay na makabuluhan.
*WAKAS*
No comments:
Post a Comment